“Pag-asa”

  Kasalukuyan akong nakahiga at nagpapahinga ng marinig ko ang awiting “Foot prints in the sand” na sa oras ng pagsubok sa buhay ng tao, akala nati`y bumitiw sa atin ang Diyos, ang totoo pala siya na lang ang pumapasan sa atin at tayo ang bumitiw sa kanya. Sa tuwina`y napakaraming pagkakataong nasusubok ang ating…


 

Kasalukuyan akong nakahiga at nagpapahinga ng marinig ko ang awiting “Foot prints in the sand” na sa oras ng pagsubok sa buhay ng tao, akala nati`y bumitiw sa atin ang Diyos, ang totoo pala siya na lang ang pumapasan sa atin at tayo ang bumitiw sa kanya.

Sa tuwina`y napakaraming pagkakataong nasusubok ang ating katatagan na maraming pagsubok na ating nararanasan. Ang mga halimbawa nito ay ang pagkawala ng mahal sa buhay, pagkakaroon ng karamdaman, problemang pinansyal at napakarami pa nito.

Dama natin sa ating mga balikat ang bigat ng mga pasaning ito sa buhay, Kadalasan sa bigat ng ating nararamdaman humahanap tayo ng mga taong masisisi. Hindi natin ito maharap sa mas positibong pananaw at sa halip sinisisi natin ang Diyos na siyang nagbigay ng mga pagdurusang ito. Hindi natin naisip na ang mga ito ay paghahanda ng Diyos sa mas magandang plano niya sa atin. Na sa pagtanggap mas lalong napapadali ang ating buhay.

Nagsilbing inspirasyon sa akin ang karanasan ng aking guro kung paano niya hinarap ang buhay at pilit ipinagpatuloy ito ng puno ng pag-asa.

Sa idad na apatnapo, may mabuting trabaho tulad ng kanyang asawa, may malulusog na anak, isang huwarang pamilya ngunit sinubok ng pagkakataon ng magkaroon ng matinding karamdaman na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Sa panahon ng kanyang pagkakasakit siya ay nangailangang huminto sa pagtuturo upang tuunan ng pansin ang pagpapagamot.

At kasabay din nito, isang pagsubok ang naranasan ko na sumukat sa aking katatagan at naging daan upang magdesisyon akong “magbakasyon” muna. Sa panahong iyon, tumawag siya at sinabing “Mam, maging matatag ka, marami kaming naniniwala sa iyo”.

Pakiramdam ko noon, binuhusan ako ng tubig at natauhan, dahil ako eto malakas, nanghina agad. Pero siya na maysakit ang nagpapalakas pa sa akin.

Noon ko naisip na higit akong mapalad dahil, may malakas akong katawan at may mas magandang ibinigay sa atin ang Diyos.

Sa kasamaang palad iginupo siya ng karamdaman ngunit ni minsan hindi ko siya kinakitaan ng kalungkutan at kawalan ng pag-asa dahil hanggang sa huli pinilit niya pa ring lumaban.

At dahil sa kanya, palagi kong iniisip ang salitang “pag-asa” sa bawat pagsubok sa buhay, dahil sa katatagang ipinakita niya ito ang nagsilbing lakas ko upang patuloy na lumaban.

 

By: Ireen Flores |T- III |Bataan National High School| Balanga City, Bataan