Noong taong 2011 nagsimulang maihain sa kamara ang pagtatakda ng baybayin bilang pambansang Sistema ng pagsulat at paghimok sa paggamit nito sa pang-araw-araw sa iba’t ibang aspeto ng buhay ng mga Pilipino. Nakasaad noon sa mungkahing batas na ang mga logo at islogan ng mga pribado at pampublikong organisasyon ay mailangkap sa Baybayin, kasama na din maging ang mga babala at paalala sa mga lansangan sa buong bansa. Kung ito ay maisasakatuparan, ang mga komersyal na kainan tulad ng Jollibee, Department of Education, Vista Mall Bataan at iba pang mga tanggapan ng pamahalaan ay nararapat na maisulat sa Baybayin.
Noong nakaraang taon, sa buwan ng Abril, naaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture and House Bill 1022, o ang “National Writing System Act” na pinangunahan ni Tagapagbatas Leopoldo Bataoil. Ayon sa artikulo ni Nica Bangcuyo sa “The Benildean”, “nakasaad dito na dapat gamitin ang baybayin sa mga simbolo sa kalsada, pampublikong pasilidad, ospital, gusali, istasyon ng mga pulis, at mga pasilidad ng mga komunidad, gayundin sa mga dyaryo o pahayagan na marapat gamitin ang baybayin sa pagsulat ng iba’t ibang salita at obra.”
Ang panukalang batas na ito ay naging maingay na hudyat upang muling buhayin ang matandang Sistema ng pagsulat ng mga Pilipino. Sa tinagal-tagal na ang ganong Sistema na ng pagsulat ang nakasanayan ng mga mamamayang Pilipino, lalo na ang mga kabataan, mapapagtagumpayan pa kaya ng batas na ito ang pagtuturo nito sa mga eskwelahan gayong nakasanayan na natin ang banyagang alpabeto?
Sa mga salitang “baybay-dagat” hango ang salitang “baybayin. May mga ilang teorya ukol sa pinagmulan nito. Una na sa mga teoryang ito ay ayon kay Paul Morrow na nagsabing ang isang eskriptong Brahmi o unang ginamit ng mga Indyano. Ang teoryang ito ay hindi pa rin mapatunayan hanggang sa ngayon. Dinagdag din ni Morrow na ang baybayin ay unang ginamit ng mga Cham, mga katutubo na nagmula sa mga bansang Vietnam at Cambodia. Ito raw ay iskriptong Malay, at mula sa makalumang Assamese ng Bengal sa India. Isa pang teorya ay mula naman kay Edwin Wolf, isang iskolar sa mga bibliyograpiya ng kasaysayan. Ayon sa kanya, nagmula sa mga Kastila ang mga unang ebidensya sa paggamit ng baybayin na naglaon ay ang tinaguriang Doctrina Christiana. Sinasabi ni Wolf na ang mga Kastila ang nagbigay ng panibagong paraan at paggamit sa baybayin: una ay ang paghahango ng baybayin sa bibiliya at sumunod ang pagsasama ng kudlit na krus o “sabat” upang patahimikin ang patinig ng isang titik.
Sa ngayon ay mapapansin natin na ang mga kabataan ay nagkaroon ng interes sa baybayin, lalo na sa aspeto ng sining at disenyo. Nitong mga nakaraang buwan lamang ay naglabasan na sa internet ang mga digital fonts ng baybayin na kung saan ay maaari ka nang tumipa ng mga titik sa kompyuter at cellphone gamit ang alpabetong baybayin. Makikita na din sa mga kasuotan at mga gawang sining ng kabataan ang Baybayin, isang magandang senyales ng maliwanag na bukas na babaybayin ng baybayin.
Nawa sa mga susunod na panahon ay maisabuhay ang baybayin kasabay ang modernong iskripto na ginagamit na natin sa ngayon. Malayo pa ang babaybayin ng Baybayin ngunit siguradong ito ay makakarating pagdating ng araw.
Mga Sanggunian:
Philippine Senate (2018) House approves Baybayin as national writing system. Nabuksan noong Pebrero 1, 2020 sa http://www.congress.gov.ph/press/details.php?pressid=10642
Bangcuyo, N. (18, Hulyo 2019). Babaybayin ng baybayin. Nabuksan noong Pebrero 1, 2020 sa https://thebenildean.org/2019/07/babaybayin-ng-baybayin/
By: Ms. Ava Greta Oria