Sa simbahan, Nag-uusap ang pari at isang lalaki:
Lalaki: Father, tulungan po ninyo ako. Malaki po ang suliranin ko.
Pari: Ano iyon, anak? Sige, sabihin mo at tutulungan kita.
Lalaki: Malaki po ang problema ko sa Erpat ko. Napakalakas po niyang komunsumo ng kuryente.
Pari: Naku, anak, madali lang iyang problema mo.
Lalaki: Paano po ang gagawin ko, Father? Nahihirapan po talaga ako sa Erpat ko na malakas komunsumo ng kuryente.
Pari: Anak, ang pinakamabuti mong gawin ay patayin ang airpot mo para di masyadong malakas sa kuryente.
Kung papansinin ang usapan, nagkaroon ng malaking di pagkakaunawaan ang dalawang nag-uusap dahil sa dalawang salitang kanilang ginamit. Ang Erpat at ang airpot. Ano ba ang ibig sabihin ng dalawang salita? Ano ang kanilang pagkakaiba?
Sa pasulat na paraan, malaki ang pagkakaiba ng erpat at airpot. Ang erpat sa wikang balbal ay katawagan para sa salitang ama o tatay at ang airpot naman ay de-kuryenteng initan ng tubig.
Samantala sa pasalitang paraan, mapapansin na walang pagkakaiba ang dalawang salita maliban sa mga taong di nakakauunawa ng mga salitang ito. Ito ang nagiging suliranin ng mga mag-aaral sa kasalukuyan. Napakarami talagang salita na nauuso at nagkakaroon ng iba’t ibang kahulugan. Ito ngayon ang malaking hamon na kinakaharap ng mga gurong nagtuturo ng asignaturang Filipino.
Isa sa mga araling itinuturo sa asignaturang Filipino ay ang paraan ng Pagpapalawak ng Talasalitaan. Dito, ang mga salitang may malalalim na kahulugan, ang mga bagong nauusong salita, ang mga matatalinhagang salita ay binibigyang kahulugan upang lubos na maunawaan ang tekstong pinag-aaralan. Maaring tukuyin ang kasingkahulugan o katulad na kahulugan at ang kasalungat o kabaligtarang kahulugan nito.
Ang Kagawaran ng Edukasyon ay nagbigay ng mga pamamaraan sa pagpapaunlad ng talasalitan. Ang ilan sa mga ito ay:
- Klino – ito ay pag-aayos ng mga salita ayon sa antas o tindi ng kahulugang ipinahahayag nito. Halimbawa
ngiti sama ng loob paghihikahos
bungisngis inis paghihirap
tawa hinanakit pagdaralita
halakhak galit pagkadukha
poot
- Klaster – ito ay pagbibigay ng kasingkahulugan o kaugnay na kahulugan sa pamamagitan ng pagpapangkat ng mga ito.
|
|
|
|
- Contextual Clues – binibigyang kahulugan ang salitang may salungguhit batay sa pagkakagamit nito sa pangungusap.
Iniutos ng lakan na lantakan uli ang alipin hanggang sa mamatay.
- Kolokasyon – ito ay pagbibigay ng kahulugan sa pamamagitan ng pagsasama ng isang salita sa iba pang salita upang makabuo ng kahulugan.
puso – pusong bato pusong mamon atake sa puso puso ng saging
- Krosalita – tulad din ito ng crossword puzzle kung saan nagsasama ng pahiwatig upang mahulaan ang kahulugan ng salita.
- Paggamit ng Pandama – tinutukoy dito kung aling pandama ang inaantig ng salitang pinag-aaralan.
pandinig pang-amoy panlasa paningin pansalat
- Konotasyon at Denotasyon – ayon sa librong Wika at Panitikan IV Manwal ng Guro, ang salitang kaugnay ng kahulugan ng talasalitaan ay tinatawag na konotasyon samantalang denotasyon ang kahulugang literal o tahas. Karaniwang ang mga salitang gamit sa tula ay may kahulugang konotasyon.
Sa kasalukuyang panahon, ang mga kabataan ay naghahanap pa rin ng mas nakaaaliw at nakahihikayat na paraan ng pagpapalawak ng talasalitaan. Sa ganitong paraan, naipakikita ng mga gurong nagtuturo ng asignaturang Filipino ang kanilang pagiging malikhain upang makuha ang kawilihan ng kanilang mag-aaral.Ang mga halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
- Paggamit ng Grapiks – sa paraang ito may makikitang simbolo ang mga mag-aaral na pinanggagalingan ng mga letrang bubuo sa kahulugan ng salita.
- Cellphone Code – dito ginagamit ang keypad ng cellphone upang gawing parang puzzle sa pagtukoy ng kahulugan.
pantas-7, 2,6,8,2,7
- Alphabetical Order o Vice Versa – paggamit ng mga letra para sa simbolo
iniibig-9, 14, 9, 9,2,9,7 o 20,15,20,20,27,20,22
- Symbolic Code o Paggamit ng Emoji Keyboard – kung saan ang guro ay gumagamit ng iba’t ibang simbolo upang mas kaaliw-aliw ang pagbibigay ng kahulugan.
Sa pagdaan ng panahon marami pang mas challenging na paraan ang naiisip at ginagamit ng mga guro sa pagpapalawak ng kahulugan dahil ang tanging hangad nila ay ang mapatuto nang lubusan ang kanilang mga mag-aaral.
By: Ms. Catherine T. Acuzar | Teacher I-Filipino | Bataan National High School