Saan napunta ang 24 na taon? Anong bilis lumipas ng panahon: Panahong ang munti at malikot kong anak ay nasa ibang bansa na at isa ng inhinyero. Ang pangalawa ko ay nakasakay na sa barko at si bunso nangungungkulan na sa isang ospital at isa ng doktor.
Di ba kailan lang ng matuto siyang bumasa at sumulat, kasama ko sa paaralaan, akay akay ko at mahigpit ang hawak sa aking kamay
Madami na nga palang pilak sa aking buhok at madami na ring naabago.
Ang dating isahang palapag na gusali nitong parang kabuti ng nagsusulputan, hindi mo na makilala ang mga gurong dating at dating. Hindi ko na yata mahahabol ang panahon sa mabilis nitong pag-usad, marami ng pangyayari ang hindi ko na matandaan ngunit isa lang ang di ko malilimutan ang lumang gusaling iyan na sa kasamaang palad ay sinisimulan ng gibain upang palitan ng bago.
Paano ko malilimutan ang gusaling ito dito ko ginugol ang 20 taon ng aking buhay bilang guro. Ito ang pangalawang tahanang binuo ko. Dito nabuo ang pangarap ng maraming batang naniniwalang mapupuno namin ng kaalaman ang kanilang mga isipan.
Dito nabuo ang katiparan sa aming mga kapwa guro na kadalasan ay karamay naming sa maraming pagsubok sa buhay.
Malungkot kong pinagmasadan ang lumang gusaling unti-unti ng gumuguho at tanging ala-ala na lang ang naiwan. At naramdaman ko rin na patanda na ako ng patanda ngunit katulad ng ibang nagkakaedad na ito ay nakadepende pa rin sa aking paningin sa hinaharap at sa kasalukuyan.
Tunay na mabilis lumipad ang mga taon ng buhay, ang tanong paano ba natin ginugol ito. Halimbawa kung ikaw ay biniyayaang makapag-aral paano ka ba naging mag-aaral. Isinulit mo ba ang pera at pagkakataong ibinigay ng magulang ninyo sa inyo. Kung ikaw naman ay naging guro, ginawa mo ba ang tungkulin mo bilang mabuting guro na naging huwaran sa pag-uugali, kilos at pananaw sa buhay. Kung ikaw ay naging isang pulitiko, naglilingkod ka ba ng matapat sa bayan, sa Diyos at sa tao? Kung ikaw ay dakilang lingkod ng simbahan, naging matapat ka ba sa lahat ng pagkakataon, naging mahusay ka bang tagaakay sa libo-libong kawan. Kung ikaw ay magulang naagawa mo ba ang mga dakilang tungkulin sa iyong mga anak.
Maraming pagkakataon ang ibinibigay sa atin ng Diyos upang patunayan natin ang mga tungkuling kaloob niya sa atin, kung ating susuriin sa araw-araw, nagdedesisyon tayo kung anong damit ang isusuot natin kapag trayo ay papasok sa eskuwela, pupunta sa palengke, magsisimba, sa pagpipiknik ngunit may mga bagay na kailangan nating ibinhi ng wasto- ang ating ugali, asal at gawa. Mas mahalaga raw ang pahalagahan natin ang ating espirituwal na damit kaysa kagandahang-loob, kababaang loob at pagsunod sa lahat ng panahon.
Ito ang mabisang sandata natin sa pagharap sa bawat araw ng ating buhay. Maaaring mahirap ngunit ang lubos na paniniwala sa Diyos ang magagamit nating matibay na paglaban sa buhay.
“Mam, hapon na…uuwi na po tayo!”
“Ay, oo nga… nalibang ako.”
Nakangiti kong pinagmasdan ang lumang gusali, napangiti ako, ang dami kasing ala-alang bumalik kasama ito, sama-sama kami ng mga bata sa pagpapaganda ng silid na napunta sa amin, tuwina dito at umuunlad maraming taon ang nalinang at yumaman sa pagpasok sa pintuang ito, may mga lumalabas na baon ang ngiti ng tagumpay at luha ng kabiguan. Ngunit ang mahalaga ito ang bumuo sa pagkatao ng bawat isa sa amin. Sumubok sa aming katatagan at bumuo sa amin bilang isang mabuting tao.
Lumipas nga ang araw, napakabilis at sa bawat araw ng buhay ay naging pundasyon sa paparating pang dagdag na araw.
At upang maging kapaki-pakinabang ang mga araw na ito, dapat gawin natin itong positibo o maaliwalas ang ating pagtingin sa paglipas ng panahon.
By: Flordeliza B. Castor | Teacher III | BNHS | Balanga, Bataan