“Pedestal”

“Lumapit kayo sa akin, kayong nabibigatan at puno ng pagsubok sa buhay, kayo ay pagpapahingahin ko sa akong kadungan” (Mateo 11:28) Ang lahat ng tagumpay at karangalan ay hindi nakakalimutan, at ang isang inaasahang makamit kapag hindi natupad ay nagbubunga ng takot at matinding pagkalugmok. Kadalasan ang tao ay bumubuo ng isang moog na tinatanaw…


“Lumapit kayo sa akin, kayong nabibigatan at puno ng pagsubok sa buhay, kayo ay pagpapahingahin ko sa akong kadungan” (Mateo 11:28)

Ang lahat ng tagumpay at karangalan ay hindi nakakalimutan, at ang isang inaasahang makamit kapag hindi natupad ay nagbubunga ng takot at matinding pagkalugmok.

Kadalasan ang tao ay bumubuo ng isang moog na tinatanaw niya para sa kanyang sarili. Kadalasan sa pagnanais na makamit ito nalilimutan niya ang kahalagahan ng pagpapakababa at pagmamahal. Patuloy na nagingibabaw sa tuwina ang pagmamahal sa sarili na nagiging daan din sa patuloy na pagkasira nito.

Isa daw sa natural na ugali ng tao ay ang pagiging mapaghangad. Saan? Sa tagumpay, karangalan, kayamanan, katanyagan, pamumuno at napakarami pang paghahangad. Nangangarap at naghahangad ng napakataas at gagawin kahit ang makapandaya upang makamit lamang ito.

 Ang isang pangarap na pinaghirapan, pinagsikapan upang makamit ito ayy nakalulugod sa lahat na kahit kanino ka humarap ay may mukha kang maipagmamalaki sa tagumpay na nakamit.

Ngunit kasabay ng tagumpay na ito dumarami rin ang ating mga takot at pangamba. Dahil kapag ikaw ay nasa itaas na saan ka pa pupunta? Walang ibang daan kundi ang pagbabasa at kadalasan kapag ikaw ay nasa taas kalungkutan at pag-iisa ang iyong nadarama. At sa takot nating bumaba ito ay nagdudulot ng masamang nais upang manatili sa kapangyarihan. Kadalasan ang tiwalang ibinibigay natin sa marami ay inaalis natin ang tamang sagot sa mga tanong na ayon sa tama ay tinatalikuran natin. At kapag ito’y tinangka mong lingunin at balikan ang mga pangyayari ay nagiging mahirap ng sumunod sa katotohanan.

Ang pangarap sa simula pa lamang ay nagmimistula ng hagdan sa pagpunta sa palasyong pinapangarap natin. Ngunit sa di pagtatagumpay sa pagkamit ng pangarap ang hagdang ito ay gumuguho na nagiging dahilan ng ating pagkalugmok na nagbubunga ng galit, poot, kalumbayan, kawalan ng pag-asa at minsan kamatayan.

Ngunit ang Panginoon ay gagawa ng paraan upang mapagtagumpayan nila ang mga pagsubok na ito. Ito ang susubok at magpapatatag sa ating pananampalataya. Ito ang magsisilbi nating timbulan upang makaahon sa balon ng kalungkutan.

Marami raw tayong dapat tanawin bago tayo lumingon sa naging masamang epekto ng pagsubok na nagpabagsak sa iyo. Nariyan ang hiwaga ng buhay na dapat nating ipagpasalamat sa tuwing tayo’y gigising sa umaga na puno ng pag-asa sa ating mga puso. Sa pagkakaroon ng masayang pamilya na tumalikod man sa atin ang lahat, mananatili pa rin sila sa iyo kahit iwan ka ng lahat. Sa iyong mga “tunay na kaibigan” na hindi ka tatalikuran at iiwan sa oras ng kagipitan. Sa mga materyal na bagay na ibinibigay sa iyo hindi man labis sapat naman upang hindi ka mag-alala sa darating na bukas.

Ang isang mabigat na pagsubok ay minsan tinatawag na “pagsubok sa asido” nagmula ito sa katawagang ito noong panahong maraming gintong nakukuha at kumakalat. Asido nitriko ang ginagamit upang subukin kung tunay o hindi ang gusto.

Sa paningin ng Diyos ang paggawa ng tama ang tunay na ginto at ang mga karangalang ito ang nagsisilbing asido nitriko upang subukin ang tunay sa kanyang paningin.

Ang mga kahirapang dumarating ay bahagi pa rin ng pagsubok ng Dios sa atin. Dahil tayo ay mahal niya ito ang lumilinis sa ating kaluluwa sa tuwina.

Si Jesus ay totoo sa salita at paggawa at higit pa riyan, siya ay bukod tanging kapahayagan ng katotohanan. (Juan 14:6) Siya lamang ang nakapaglalahad ng mga nakatago at di mahalatang kadayaan ng ating puso. Siya lang ang makagagawa sa ating puso upang naising maging tapat sa sarili sa kapwa at sa Dios.

Maaari tayo ang bumubuo ng pedestal na ito sa ating puso at isipan ngunit ito rin ang nagsilbing moog na gagawa sa ating puso na maging bato, ngunit sa paglipas ng panahon ito’y unti-unting matitibag at ilalabas ang tunay na anyo nito.

Palagi saan nating isapuso na sa bawat pedestal na bubuin natin ay may titingala dito ng may paggalang, pagmamahal at pagmamalaki dahil sa kabutihang pinagmulan at naging bunga nito.

Maaaring mabigat na ang mga pasaning nasa ating mga balikat, siguro ito na ang panahong magpalaya at magbaubaya, ang Dios na lang marahil ang bumubuhat ng iyong pasanin, hindi ba panahon ng harapin mo ito at buhatin?

Sa pagbagsak ng “pedestal” na binuo natin, dito naman magsisimula ang bagong buhay, malinis, may takot sa Diyos, may paggalang at higit sa lahat puno ng “pagmamahal”.

By: Flordeliza B. Castor | Teacher III | BNHS | Balanga, Bataan