Isa ako sa mga baguhang guro na nabigyan ng pagkakataon upang matulungan ang mga mag-aaral na hubugin sila sa tulong ng kalidad na edukasyon tungo sa magandang kinabukasan. Layunin naming paglingkuran ang mga mag-aaral sa abot ng aming makakaya at tulungan sila upang mas mapaunlad pa ang kanilang sarili at maging handa sa mga kahaharapin nilang pagsubok bilang isang mamamayan sa lipunan. Batid naming napaka halaga ng magiging bahagi naming mga guro sa paglulunsad ng programang K to12 sa ating bansa, ito ay upang mas lalong matulungan ang mga mag-aaral upang maging produktibo sa kanilang sarili at kayang makipagsabayan saan mang panig ng bansa sa hinaharap.
Madalas marinig ang opinyon ng mga magulang na “Sa Senior high dagdag gastos at, dagdag pahirap sa ating mga magulang!” Ang mga opinion nila marahil ay dala rin ng kahirapan. Iniisip nila ang mga posibleng gastusin at perwisyong maidudulot ng dagdag pang taon ng pag papaaral sa kanilang mga anak.
Bilang isang baguhan sa larangan ng pagtuturo masasabi kong sa simula ay wala pa akong sapat na kaalaman kung paano ipatutupad ang nasabing dagdag na taon ng pag-aaral. Kung talagang makabubuti ba ito o mas mahihirapan ang mga mag-aaral? Ngunit habang nakakausap ko ang ilan sa mga mag-aaral ay mas lalo akong nalilinawan kung ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng K to 12 sa kanila.
Sabi nga ni Leslie isang mag-aaral na katatapos ng grade 10 “Kung wala pong Senior High Ma’am hihinto na po talaga ako sa pag-aaral kasi po wala akong pampaaral sa kolehiyo dahil mandaragat lang po ang tatay ko, pero dahil may Senior High makakapag-aral parin po ako ng libre at mas magkakaroon ng magandang opurtunidad para makahanap ng maayos na trabaho.”.
Isa lamang siya sa mga mag-aaral na nakatapos ng grade 10 at lubhang ikinasisiya ang pagkakaroon ng Senior High dahil sa pag-asa nilang mas matutulungan sila ng programang ito upang makapag-aral ng libre at magkaroon ng kaalamang magagamit nila upang makahanap ng maayos na trabaho sa hinaharap , sa kabila ng kahirapan sa buhay. Mulat ang ilan sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, sa katotohanang hindi na sila makapag-aaral pa ng kolehiyo dahil sa kahirapan at kawalan ng kakayahan ng kanilang mga magulang na maitaguyod ang kaninang mga pangangailangan sa pag-aaral pa ng dagdag na dalawang taon.
Sa tulong ng mga kursong nakapaloob sa senior high kagaya ng mga vocational courses ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magkaroon ng tamang pagpapaunlad ng kasanayan sa nais nilang kurso. Ang kasanayan na ito na lilinangin nila sa loob lamang ng dalawang taon ay magbibigay sa kanila ng katibayan ng kanilang pagtatapos na siyang makatutulong sa kanila sa pag-hahanap ng trabaho. Naniniwala ang karamihan sa mga mag-aaral na isa ang programang K to 12 na tutulong sa kanila sa pag sagip sa kahirapan.
Nawa’y mabuksan ang isipan ng bawat magulang upang makiisa at sumuporta sa programang K to 12, maging sa kanilang mga anak sa ikatatagumpay ng mga mithiin at pangarap.
By: Ma. Rica A. Estrella