“What on your mind?” – ito ay isa lamang sa makikita natin sa facebook. Ang facebook ay kabilang sa social media na kinahuhumalingan ng maraming tao ngayon. Ito ay nadiskubre noong Pebrero, 2004 ng isang Amerikanong computer programmer at internet entrepreneur na si Mark Zuckerberg. Sa pagkakaroon ng facebook marami tayong nagiging kaibigan, nagbibigay din ito ng kamalayan sa mga nangyayari sa ating paligid, nalalaman natin kung ano ang uso at usap – usapan ngayon, at higit sa lahat karamihan ng tao na mayroon nito ay dito na nakakahanap ng kani – kanilang pag – ibig.
Maituturing na malaking bagay ang pagkakaroon ng facebook lalo na sa mga mahal mo sa buhay na malayo sayo at wala sa tabi mo. Ito ang nagsisilbing niyong komunikasyon upang kayo ay makapag – usap. Mas napapadali din nito ang paghahanap sa mga taong nawawala at kung minsan pa nga din ay sa facebook nagkakasiraan at nagkakabulgaran ng mga sikreto ang mga magkakaaway. Sa kabila ng naidudulot na maganda ng facebook ay mayroon din itong panganib na dala para sa tao at hindi nila batid ang mga panganib sa paggamit nito.
Nakakagulat ang mga lumalabas na balita tungkol sa mga babaeng namamatay dahil sa pakikipagkita nila sa mga taong nakilala lamang nila sa facebook at kung minsan pa nga ay nagiging laganap na din sa facebook ang mga malalaswang larawan at video. Karamihan kasi sa mga gumagamit ng facebook kapag may nakikilala sila dito ay mabilis silang nagtitiwala kahit na hindi naman talaga nila lubos na kilala ang mga ito. Dahil dito ay naisip kong ibahagi sa inyo ang ilang panuntunan sa tamang paggamit ng facebook para maiwasan niyo ang panganib na dulot nito.
Ang ilan sa mga panuntunang ito ay ang mga sumusunod:
Limitahan ang pagpopost sa facebook ng mga nangyayari sa buhay mo. Hindi kasi lahat ng tao ay interesado sayo o sa mga pinopost mo. Mas mabuting gawin mo na lang itong pribado para sa sarili mo.
Huwag makipag – usap at makipagkaibigan sa mga taong hindi mo naman kilala. Kung hindi mo naman talagang kilala ang isang tao na gustong makipagkaibigan sayo sa facebook ay mabuting huwag mo na lamang itong pansinin.
Huwag ubusin ang lahat ng oras sa paggamit ng facebook. Mas maraming bagay pa ang dapat mong pagtuunan o unahin kesa sa facebook. Hindi maganda na nauubos lang ang oras mo dito.
Siguraduhing kapaki – pakinabang ang mga i – popost mo sa facebook. Kung alam mong hindi naman ito importante ay mabuting huwag mo na lamang itong ibahagi sa facebook.
Madalas nating marinig ang linyang “THINK BEFORE YOU CLICK.” Ito ay isang paalala para sa mga gumagamit ng facebook o kahit ano pa mang social media. Ang paalalang iyan ay dapat nating sundin upang maiwasan ang panganib na nagbabadya sa paligid natin. Wala naman masama sa pagsunod basta alam mo na ito ay makakatulong sayo.
By: Jecelyn Joy D. Juganas | LPT – Social Studies