Ang trabaho ko bilang guro’y sadyang di madali,
Sa dami ng gawain, minsa’y di na mapakali.
Masuwerte na nga kung makaidlip ka pansumandali,
Dahil sa mga trabaho’y lagi akong nagmamadali.
Mga bata ko ay may espesyal na pangangailangan,
Samu’t sari ang kwento, iba’t iba ang pinagmulan.
Sa una’y nahabag ako sa kanilang kakulangan,
Nag- iisip ako, paano sila matutulungan.
Ngunit ako’y nagpapasalamat sa tuwi- tuwina,
Sa aking pagtuturo, mayroon akong kasangga.
Bukod sa mabait, masipag kong Teacher Tina,
Nariyan ang Diyos, kasama ko’t kumakalinga.
Sabi ng iba ang trabaho ko’y di madali,
Baka buhay ko nga raw ay agad pang madali.
Ngunit ako’y may tinuran, sa kanila’y sinabi,
Kasama ko ang Diyos, Siya’y aking Katabi.
Sa lahat ng biyaya Mo Oh Diyos sadyang lubos- lubos,
Mga kaganapang maganda’y hindi natatapos.
Mga pagsubok man sa aki’y di nauubos,
Hindi ako titigil, kakapit pa rin ng taos.
Sadyang makapangyarihan, taimtim na pananalangin,
Samo’t dasal nati’y ninanais na tugunin.
Ngunit sa aking paglapit akin lamang hihilingin,
Grasya’t pagpapala, kalusuga’y igawad sa’kin.
By: Rodolfo N. Ariola, Jr. | T-I | Cabcaben Elementary School