Guro sa Ika-21 Siglo

Ika 21-siglo, panahon ng pagbabago, panahon ng globalisasyon at panahon ng makabagong teknolohiya.  Sa larangan ng edukasyon, ito ang panahon ng pinakamalaking hamon para sa mga guro.  Hamon na malinang ang mga kakayahang komunikatibo kung saan nakapagbabahagi ang mga mag-aaral ng sarili nilang ideya at mga karanasan, mapalawak ang kakayahan ng mapanuring pag-iisip, wastong pag-unawa…


Ika 21-siglo, panahon ng pagbabago, panahon ng globalisasyon at panahon ng makabagong teknolohiya.  Sa larangan ng edukasyon, ito ang panahon ng pinakamalaking hamon para sa mga guro.  Hamon na malinang ang mga kakayahang komunikatibo kung saan nakapagbabahagi ang mga mag-aaral ng sarili nilang ideya at mga karanasan, mapalawak ang kakayahan ng mapanuring pag-iisip, wastong pag-unawa sa mga nababasa at naririnig, pagbibigay solusyon sa mga suliranin at mga kaalaman sa tamang paggamit ng makabagong teknolohiya upang makaagapay sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa bansa. 

                        Ngunit hindi hinahayaan ng mga guro na mapag-iwanan.  Nasa kanila ang pagnanais na matuto.  Patuloy nilang pinauunlad ang kanilang kaalaman at kakayahan upang makasabay sa mga pagbabago at pag-unlad ng lipunan. Tunay na sila ay masasabing lifelong learner.

                        High tech na ang mga guro ngayon.  Maliban sa mga kaalamang natatamo sa mga dinaluhang seminar, worksyap, training at mga kaalamang nakukuha sa mga libro at iba’t ibang sanggunian, mas napalalawak pa nila ang kanilang kasanayan sa tulong ng website resources at global na impormasyon. 

                        Sa pagtalakay ng mga aralin sa kanilang pagtuturo, malaking tulong ang paggamit ng iba’t ibang aplikasyon sa cellphone, tablet, laptop at iba pang makabagong gadget.  Naipaliliwanag nang mabuti ang mga konsepto ng aralin na hindi na kailangang magpaulit-ulit ang guro sa pagsasalita.  Mabilis na nakukuha ang interes at kawilihan ng mga mag-aaral kapag nakita na sa projector ang mga larawan o bidyo na may kaugnayan sa aralin.  Hindi na kailangan ng guro na magsulat pa sa pisara o tsart.  Sa mga ganitong pagkakataon ang mga guro ay tagapagdaloy na lamang sa loob ng klasrum. 

                        Ang social media gaya ng facebook, twitter, messenger, e-mail at iba pa ay ginamit na rin sa pagpapadala ng mga karagdagang gawain at  mga pagsusulit.  Sa pamamagitan nito, nababawasan ang paperworks ng mga guro.  Kawili-wiling karanasan din para sa mga mag-aaral ang magpasa ng mga gawain gamit ang social media.  Nagiging organisado ang mga ideyang ibinibigay nila gamit ang mga ito.  Dagdag pa rito na napananatili ng mga guro ang kanilang magandang relasyon sa mga mag-aaral.

                        Masasabi na higit na malawak ang kaalaman at kakayahan ng mga guro sa ika-21 siglo.  Sumasabay at niyayakap anuman ang mga pagbabagong nagaganap sa daigdig.   Pinananatili ang magandang samahan ng guro at mag-aaral, gayundin sa magulang at komunidad tungo sa ikauunlad ng kanilang mga mag-aaral. 

By: Marcela S. Sanchez | MT-I | Bataan National High School